Drug suspect na inakalang patay, bumangon para magpasaklolo


MANILA - Ikinagulat ng mga pulis at media ang biglang pagbangon ng isang hinihinalang tulak-droga na inakalang napaslang sa operasyon ng mga pulis sa Malate, Maynila Lunes.
Target ng buy-bust operation sa Soliman Park ang suspek na si alyas JR at kasamahang si alyas Greggy, pasado alas-12 ng umaga.
Mabilis umanong natunugan ng mga suspek na mga pulis ang kanilang ka-transaksyon, kaya sila nagpaputok at tumakas sakay ng tricycle.
Hinabol ng mga pulis ang dalawa hanggang sa mapabagsak ang mga ito sa Aldecoa Street. Dakong ala-1:30 ng umaga, nadatnan ng media ang mga suspek na duguang nakahandusay sa kalsada.
Pero makalipas 10 minuto, ikinagulat ng mga pulis at mamahayag ang biglang paggalaw ni JR. Unti-unti siyang bumangon, umupo at itinaas ang mga kamay saka humihingi ng tulong.
Isinugod sa Ospital ng Maynila ang suspek na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa kamay. Stable na ang kanyang kondisyon.
Hindi naman naisalba ang kanyang kasamahag si Greggy.
Napag-alamang kapwa nasa drugs watch list ng Manila Police District Station 9 ang mga suspek na nakuhanan ng tatlong pakete ng hinihinalang shabu at tig-isang baril.
Mahaharap si JR sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.



Drug suspect na inakalang patay, bumangon para magpasaklolo Drug suspect na inakalang patay, bumangon para magpasaklolo Reviewed by Unknown on 14:37:00 Rating: 5

No comments:

Powered by Blogger.