Sunog sa Las Piñas, nagsimula dahil sa operasyon ng pulisya?




Patay ang isang bata sa sunog sa Las Piñas, na nagsimula umano matapos matumba ang kandila sa isang bahay kung saan nagsagawa ng operasyon ang mga pulis, Martes ng gabi.
Ayon sa mga residente ng Barangay Talon 5, nailigtas na ang 11 taong gulang na batang lalaki mula sa kanyang nasusunog na bahay pero bumalik ito para hanapin ang kanyang kapatid.
Hindi na nakalabas nang buhay ang bata sa kanilang bahay.
Dagdag ng mga residente, nagsimula ang sunog na tumupok sa 60 bahay nang magkasa ng operasyon ang mga pulis laban sa mga naglalaro ng iligal na cara y cruz.
Isa sa mga target ang tumakbo sa kanyang bahay sa halip umanong sumama nang maayos sa pulisya.

Sa paghahabulan ng mga pulis at suspek, natabig umano ang isang nakasinding kandila, na siyang pinagmulan ng apoy.
Kwento ng residenteng si Rodelyn Mariano, nakiusap sila sa mga pulis na itigil muna ang operasyon para apulahin ang sunog. Pero iginiit umano ng mga ito na prayoridad nila ang paghuli sa mga suspek.
"Sabi ko sa pulis, may sunog po. Unahin n'yo yan. Hindi ako pinansin. Hinarang namin sila. Di kami pinansin," ani Mariano.
Kaagad kumalat ang apoy dahil gawa sa mga light material ang mga magkakadikit na bahay.
Itinaas sa ikatlong alarma ang sunog dahil sa bilis ng pagkalat nito.
Nasa 60 bahay ang nasunog ng apoy na nag-iwan ng tinatayang P300,000 halaga ng pinsala.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pulisya ukol sa insidente.


source:umagangkayganda
Sunog sa Las Piñas, nagsimula dahil sa operasyon ng pulisya? Sunog sa Las Piñas, nagsimula dahil sa operasyon ng pulisya? Reviewed by Unknown on 09:34:00 Rating: 5

No comments:

Powered by Blogger.